Smart Ako Dati
A Facebook fiction by Kukei, posted on June 3, 7:45pm
“Ano ba hinahanda kapag new year? Wala akong idea! Help please..” sabi ng kaibigan kong si Hope.
At dahil isa akong mabuting kaibigan, mabilis akong nakapagdesisyon at siya ay aking tinulungan. Binigyan ko siya ng mga intelehenteng idea mula sa aking utak na parang naibabad sa sustansya ng malasang Knorr chicken cubes.
“Tikoy, 12 Prutas na bilog (Lucky ang 13 sa mga Chinese-kung chinoy ka), Kung hindi ka chinoy nandiyan ang Fruitcake. Fruit salad, BBQ, Roasted Chicken, Pinaupong manok, Chicken roll, Chicken Sandwhich, Adobong manok, Fried chicken, Tinola, Chicken cordon bleau, Chicken fajitas, Chicken soup for the children, Chicken soup for a mother’s heart, Chicken soup for a father’s heart, Chicken soup for your grandma’s heart, your grandpa don’t like chicken soup, Bulalo (Para kay lolo), pero kung nagtitipid ka Ham na lang.” sabi ko kay hope. Natuwa naman siya sa sagot ko. Pati na rin ang ate niyang si Ate Faith.
Nakalimutan kong idag-dag ang Teriyaki chicken, chicken katsu, at ang lunch combo ko kanina na mushroom chicken at ORANGE CHICKEN—”YAMMI”! Pero wait lang, kung iniisip mong chicken ang bida dito e nagkakamali ka. Baboy ang bida dito. Tsaka si Vandolph. Hindi ko sinabing Baboy si Vandolph. Magbasa ka na lang para maliwanagan ka.
Kumakain ako ng masarap na hamon na may roasted na taba at amad nang maalala ko ang “Tondominium”. Isang TV show sa channel 5 kung saan si Vandolph, Goma at Joey Marquez ang bida. Minsan, may isang scene kung saan kumakain ng pork chop ang malusog na batang si Vandolph. Inalis ni Vandolph ang taba ng porchop kung nasaan ang masarap na bahagi nito: ang balat na malutong. Biglang sumabat ang nanay ko sa likod na nanonood din pala mula sa kusina. “Tignan mo, buti pa si Vadolph ‘di niya kinakain ang taba.” sabi ng nanay ko. Malusog ako dati, parang si Vandolph. At katulad ni Vandoph mahilig din ako sa taba ng pork chop. Kung nalilito ka, oo, tama ngang mailto ka. Dahil heto ang kasunod ng storya. Hindi ko pinansin ang nanay ko nang sabihin niyang mabuti pa daw si Vandolph eh ‘di naman kumakain ng taba ng porkchop, dahil alam kong sa TV lang ‘yon at kunwari lang. Smart ako dati, you know?! Dati ‘yon…bago ako natutong umibig—dun ko nalaman na hindi pala ako smart. May pagkainutil din pala ako—parang mga bida sa TV. Pero dati, noong ‘di pa ko naiinlove, smart ako. Alam ko na sa totoong buhay, kung may pagkakataon, ay kakainin naman talaga ni Vandolph yung taba ng porkchop. Naimagine ko kakainin ni Vandolph yung taba pag tapos na ang shooting. Pero mali ang naimagine ko na kakainin ni Vandolph ang taba pagkatapos ng shoot ng scene na ‘yon. Dahil pagkatapos sabihin ng nanay ko na “Tignan mo, buti pa si Vandolph, hindi niya kinakain ang taba.” Eh siya namang pagkatapos ni Vandolph sa pagkain ng malamang parte ng pork chop, at pagkatapos na apgkatapos no’n eh kinuha niya ang inalis niyang matabang parte nito at saka isinubo ng one time bigtime! BOOM! WAPAK! Tumatawa ang invisible na demonyitong mataba na lumulutang sa kaliwa kong balikat. At tumatawa rin ako deep inside. “Nyehehehe!” sabi ko sa loob ko. Napahiya si Nanay. At natahimik ito. ‘Di ako umimik. Tinignan ko ang nanay ko. “Ay, Diyos ko!…” sabi niya habang disappointed at may subtle hint ng pagkabigla ang kaniyang facial expression.
Sapat na sa ‘kin ang nakita kong facial expression sa mukha ni nanay habang enjoy na enjoy ang cute na si Vandolph sa pag-tira ng ma-cholesterol at masarap na parte ng pork chop. Gusto kong ipag-cheer si Vandolph at i-boo si Nanay. Pero ‘di ko na siya sinumbatan. Simula noon naging idol ko na si Vandolph. Simula noon, napagtibay ang paniniwala ko na smart ako, until nakilala ko ang babaeng nagmulat sa aking mata at bumago ng paniniwala kong ito. Ngayon, pag-nakakakita ako ng pork chop, naaalala ko, smart ako—dati.



